Thursday, March 27, 2008
Manila Beach Resort
Ilan ba sa atin ang nakapunta sa Manila Bay, Ilan ba sa atin ang nakapunta dun ngayong wala na ang Baywalk establishments dito? Ilan ba sa atin ang nakapunta nuong meron pa nito? at ilan ba ang nakapunta dito 10 years ago? pero siguro ang pinaka magandang tanong ay, Ilan ba ang nakaligo sa dagat dito?
Marami ang nagsasabi na masama ang maligo dito dahil madumi, mabaho at maaring magdulot ng sakit. Pero tuwing mahal na araw patuloy pa rin itong dinadagsa ng tao para paliguan at pasyalang ng kayraming pamilya. Natanong ko tuloy sa sarili kung kelan ba ako huling naligo at lumublob sa tubig ng Manila Bay.
Laking Maynila ako, dito ako pinanganak at lumaki. Mga pitong bloke lang ang layo ng Manila Bay mula sa bahay namin. Sa tagal ko dito, mangilan-ngilang beses na rin akong naligo sa tubig ng Manila Bay. Mula sa bahagi ng break water sa dulo ng CCP hanggang sa mabuhanging parte sa may US embassy ay naliguan kona. Dito naransan kong maligo't mamasyal kasama ang barkada, kapitbahay at pamilya. Kahit nuong araw na punong puno na ng langis ang parte na malapit sa daungan ng yate nakukuha parin naming maligo dito. at kahit ilan beses naring nasugatan dahil sa matulis na bato, shell, bakal at bubog, lahat itoy naiisantabi pag nakalublob na sa dagat.
Hindi ko masasabing naabutan kong malinis ang Manila Bay dahil hindi naman talaga, pero masasabi ko na naabutan ko siya na hindi ganun kadumi at kahit ilan beses akong nakainom ng tubig duon ay di naman ako nagkasakit o tinubuan ng kahit ano.
Kaya ng makita kong madami parin ang naliligo dito naisip ko nuong araw, ang sayang na idulot sa akin ng lugar na ito. Sa ngayon nakukuntento na lang akong mamasyal , maglakad lakad, manuod sa naliligo / nangingisda at hintayin ang paglubog ng araw. At kahit ano pang sabihin nila, at kahit saan pa ako makarating, isa sa di ko makakalimutan ay maligo sa lugar na kung tawagin namin nuon ay MANILA BEACH RESORT
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment